-- Advertisements --
image 322

Inamin ni Dr. Tony Leachon na may himutok siya sa kaibigang si Health Sec. Teodoro Herbosa, kasabay ng pagbibitiw nito bilang special adviser for non-communicable diseases.
Matatandaang nagbitiw si Leachon, matapos kuwestyunin ng mga mambabatas ang kaniyang pagiging adviser, gayung hindi raw ito maituturing na public health expert.
Ayon sa dating opisyal, hindi niya maiwasang mapatanong kung bakit hindi man lang siya naipagtanggol ng kalihim ng kinabibilangang kagawaran.
Sa simula pa lang aniya ay si Herbosa na ang interesadong kunin siya para sa DOH, ngunit wala man lang ginawa ang kalihim upang idepensa ang kaniyang pag-iral sa departamento.
Bagama’t handa pa rin naman daw siyang tulungan ang DOH sa mga programa, hindi naman niya ito magagawa nang walang pondo.
Ang simpleng pakikipagpulong pa lang aniya sa mga local partners ay mangangailangan na ng venue, pamasahe at iba pang gastusin na hindi naman pala popondohan ng gobyerno kaya magreresulta lamang sa pag-aabono niya ng sariling pera.
Inamin nitong nakikipag-usap pa rin siya kay Herbosa, ngunit wala raw siyang malinaw na nakukuhang sagot mula sa naturang opisyal, maging tungkol man sa trabaho o sa iba pang mga bagay.

Top