-- Advertisements --

Posibleng maging mapanganib para sa mga hakbang na ginagawa ng mga bansa para labanan ang COVID-19 kung maagang gagamitin ang emergency authorization para sa posibleng gamot kontra rito.

Ayon kay Dr. Anthony Fauci, hindi isang matalinong hakbang ang pagbibigay ng EUA sa isang bakuna bago pa malaman kung epektibo ba ito o hindi.

“One of the potential dangers if you prematurely let a vaccine out is that it would make it difficult, if not impossible, for the other vaccines to enroll people in their trial,” saad ni Fauci.

Ito ang naging komento ng infectious disease expert ng Amerika makaraang isiwalat ng ilang opisyal ng White House ang posibilidad ng early emergency authorization bago pa matapos ang late-stage trials.

Una nang pinasinungalingan ni Michael Caputo, assistant secretary ng public affairs sa US Department of Health and Human Services, ang di-umano’y pagmamadali sa vaccine development dahil sa pulitika.

Sa ngayon kasi ay iba’t ibang bakuna na ang sumasailalim sa pagsusuri sa Amerika at may mga kumpanya na rin na binibilisan ang kanilang produksyon ng posibleng gamot.

Ipinangako ni Presidentr Donald Trump na magkakaroon ng bakuna laban sa coronavirus bago matapos ang taong 2020 kahit pa sinabi ng mga vaccinologists na imposible ang timeline na inilatag ng pangulo.