Agad pinakilos ng Department of Public Works and Highways ang Quick Response Team nito upang magsagawa ng emergency repair at clearing operation sa mga kalsada na naapektuhan ng Supertyphoon Egay sa kabuuan ng Luzon.
Sa kasalukuyan kasi ay mayroong 13 mga lugar na natukoy ng Public Works Department na kinailangang isara dahil sa naging epekto ng bagyo.
Pangunahin dito ay sa Cordillera Administrative Region kung saan marami sa mga kalsada nitong komokunekta papunta sa Region 2, Region 1, at papunta dito sa Metro Manila ay nakapagtala ng mga landslide, nabagsakan ng mga punongkahoy, habang ang iba ay may gumuhong bahagi.
Ilan din sa mga kalsada sa nasabing rehiyon ay nananatiling hindi madaanan, dahil kinakailangan ng mahabang pagsasaayos.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, agad ding sisimulan ng mga ito ang pagsasaayos sa mga nasirang bahagi ng kalsada, upang matiyak na tuloy-tuloy ang daloy ng transportasyon, lalo na sa mga relief operations na isasagawa para sa mga apektadong residente.