Inatasan ng Department of Transportation ang mga ahensya nito na tiyaking maayos ang transport system sa bansa maging ang ginagawang paghahanda sa Undas, upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga biyahero.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, inutusan niya ang mga ahensya sa ilalim ng aviation, railway, maritime at road sectors na ihanda para masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero sa oras ng kanilang biyahe.
Aniya magpapakalat sila ng mga tauhan sa mga paliparan, linya ng tren, daungan at mga kalsada upang matugunan ang mga concern ng mga pasahero.
Hiniling din ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang karagdagang deployment ng mga tauhan mula sa mga airline stakeholders para ma-accommodate ang pagdami ng mga biyahero.
Samantala, ang Manila International Airport Authority ay magpapakalat ng mga unit para tulungan ang mga pasahero sa Oplan Help desks.
Ang Office for Transportation Security naman ay nag-utos ng pinahusay na mga hakbang sa seguridad sa lahat ng pasilidad ng transportasyon tulad ng mga paliparan, daungan, mga terminal ng bus at mga istasyon ng tren.
Habang ng mga riles ng Philippine National Railways PNR, LRT-1 at LRT-2, at MRT-3 ay patuloy na gagana sa mga regular na oras upang maserbisyuhan ang mas maraming pasahero.
Inatasan din ng Philippine Coast Guard ang mga operating unit nito at iba pang tauhan na maging “heightened alert” sa western at eastern seaboards ng bansa, gayundin sa inter-island route para matiyak ang maritime security at kaligtasan.
Magpapakalat naman ng mga tauhan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office sa Integrated Terminal Exchange, terminals at iba pang pangunahing daanan para matiyak ang mahusay na daloy ng mga sasakyan.
/ Tropio Anuada /