Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) sa mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na walang mawawalan ng trabaho sa oras na i-turn over ng gobyerno ang operasyon at maintenance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa modernisasyon nito.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime J. Bautista, bahagi ng concession agreement sa pagitan ng DOTr at SMC-SAP, Inc. ay ang pananatili ng mga tauhan ng MIAA sa kanilang mga trabaho.
Muling iginiit ng transport chief na uunahin ng incoming concessionaire ang pagkuha ng mga kasalukuyang empleyado. Mag-aalok din ang concessionaire ng trabaho sa mga empleyadong sangkot sa operasyon habang ang mga empleyado ng MIAA na hindi naman sangkot sa mga operasyon, ay mananatili sa ahensya, ayon kay Sec. Bautista.
Dagdag pa ni Bautista, tututukan ng MIAA ang pagiging airport regulator habang ang concessionaire ang mamamahala sa operasyon at maintenance ng NAIA.
Hinimok din ni Bautista ang mga empleyado ng MIAA na tulungan ang gobyerno sa pagpapanumbalik ng reputasyon ng NAIA bilang isa sa world’s premier gateways.