-- Advertisements --
image 313

Nagpaliwanag ang Department of Transportation na mayroong basbas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa nakatakdang ipatupad na taas pasahe sa Light Rail Transit 1 at 2 (LRT1,2) epektibo sa Agosto 2 dahil na rin sa pagbuti ng inflation sa bansa.

Ginawa ng ahensiya ang naturang pahayag sa gitna ng pag-alma ng ilang grupo sa nakaambang taas pasahe sa mga tren na magdaragdag lamang sa pasanin ng mga mananakay.

Ipinaliwanag pa ni Transportation Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino ang maktwirang dahilan sa likod ng nakatakdang taas singil sa pasahe.

Aniya, noong Hunyo a-6, nakipagkita si DOTr Secretary Jaime Bautista sa Pangulo kung saan inihayag nito na gumanda ang inflation rate mula sa dating 6.6% bumagal ito sa 6.1% gayundin tumaas ang employment rate.

Bunsod nito, nagbigay aniya ng direktiba si Pangulong Marcos sa ahensiya para ituloy ang naantalang implementasyon ng taas pasahe sa LRT-1 at 2.

Una na kasing ipinag-utos ng Pangulo ang pagpapaluban ng pagpapatupad ng fare hike sa naturang mga tren noong buwan ng Abril sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.