-- Advertisements --

Muling iginiit ng Department of Transportation ngayong araw, Linggo, na walang extension ng deadline sa Disyembre 31 para sa pag-consolidate ng mga public utility jeepney.

Matatandaan na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong nakaraang linggo ay naglabas ng memorandum na nagsasabing ang mga tradisyunal na jeepney na mabibigo sa pagsasama-sama ng kanilang mga prangkisa ay pahihintulutan pa rin hanggang Enero 31, 2024 na dumaan sa mga ruta kung saan wala pang 60 porsiyento ng mga unit ang consolidated.

Pero nilinaw ni DOTr Office of Transportation Cooperatives chairman Andy Ortega na ang bagong memo ay hindi extension ng Dec. 31 consolidation deadline.

Ani Ortega, “During that period sila ay bibigyan ng due process para mag-show cause para malaman ano nangyari, then magkakadeisisyon ang LTFRB,”

Iniulat din ng opisyal na halos lahat ng jeepney sa “major routes” sa Metro Manila ay consolidated na.

“Yung mga major na ruta sa Metro Manila, yung mga mahahaba 15 to 20 kilometers eh almost all consolidated na yun. Yung mga hindi nagco-consolidate ito yung mga minor route,”

Samantala, sinabi naman ng transport group na Piston na umaasa pa rin ang mga miyembro nito na babaliktarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang desisyon nito na wala nang extension ng mga consolidation.

Ang PUV modernization program ay nag-aatas sa mga jeepney operator na pagsama-samahin ang mga indibidwal na prangkisa sa isang solong prangkisa sa ilalim ng isang kooperatiba o korporasyon ngayong araw, Disyembre 31, 2023. Sakaling mabigong gawin ito ay posibleng bawian ng kanilang mga permit to operate, ayon sa mga awtoridad.