Ibinasura umano ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang requests ng ilang government agencies na payagan ang kanilang mga sasakyan na dumaan sa EDSA Busway.
Iyan ang ibinunyag ni Metropolitan Manila Development Authority o MMDA Acting Chair Don Artes.
Binigyang-diin din nito na maski ang shuttle buses ng kanilang ahensiya ay bawal dumaan sa EDSA busway.
Kaninang umaga nga ay nahuli ang MMDA shuttle bus sa ikinasang operasyon ng Department of Transportation Special Action and Intelligence Committee for Transportation matapos itong mahuli na iligal na dumadaan sa EDSA Bus Carousel Lane.
Ipinaliwanag din ni Artes na nakatanggap sila ng ilang requests sa iba’t ibang gov’t agencies at private entities para makadaan sa EDSA busway ngunit nang inendorso umano nila ito sa Department of Transportation, ay hindi ito inaprubahan.
Ang mga awtorisado lang na dumaan sa busway ay ang mga LTFRB-authorized buses, on-duty ambulances, firetrucks at PNP vehicles na may rerespondehang emergency o insidente, at service vehicles ng mga manggagawa ng EDSA busway project.
Bukod dito, maaari din itong daanan ng Presidente, Bise-presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Chief Justice ng Supreme Court.