-- Advertisements --

Ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na nagkaroon ng malaking pagbabago sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa gitna pa rin ito ng naging pag-aaral ng Bounce Luggage Storage na nagpakita umano ng “unfavorable rating” at “unsubstantiated claims” na mga resulta matapos nitong mangalap ng mga reviews hinggil sa nasabing paliparan na nagsisilbing main gateway ng bansa sa pamamagitan ng blog businessclass.com at Skytrax.

Ayon sa DOTr, sa ngayon ay hindi pa malaman kung kailan eksaktong isinagawa ang nasabing survey ngunit taong 2020 pa raw ang pinakabagong feedback na makikita dito.

Karamihan anila sa mga review na ito ay mga reklamong mula sa mga international passengers na hindi gumamit ng business class lounge.

Binigyang-diin ng kagawaran na ang NAIA ay isang destination airport at hindi isang hub airport dahilan kung bakit kakaunti lamang ang business class lounge at onward destinations nito.

Sinabi rin ng DOTr na hindi kapani-paniwala na kabilang ang on-time performance sa mga dahilan kung bakit nakatanggap ng worst rating nasabing paliparan.

Batay kasi sa nasabing pag-aaral, nakakuha ng worst rating ang NAIA sa tatlong kategorya: number of destinations, on-time performance, at rating mula Skytrax na isang consultancy na nagpapatakbo ng isang airline at airport review at ranking site na nakabase sa United Kingdom.

Samantala, muli namang ipinagmalaki ng DOTr ang mga naging development na nakamit ng pamahalaan upang mas mapabuti pa ang serbisyo sa mga paliparan, tulad na lamang ng rehabilitation, upgrading sa mga pasilidad nito kabilang na ang mga terminal at runway.

Gayundin ang pag-aalis sa mga isyu tulad ng mga modus na laglag-bala at bukas-bagahe na sumisira sa reputasyon ng NAIA sa loob ng maraming taon sa ilalim ng pamumuno nina Pangulong Duterte at Secretary Arthur Tugade.

Tiniyak naman ng DOTr at Manila International Airport Authority (MIAA) sa lahat na ipagpapatuloy nila ang ginagawang pagpapa-improve sa mga airport facilities at serbisyo nito upang masiguro ang isang ligtas, maaasahan, maginhawa, at komportableng travel experience.