-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Tourism (DOT) ang plano nitong gawing “Muslim-friendly” ang sikat na Boracay Island sa hangaring makaakit ng mas maraming Muslim na turista.

Idineklara ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco ang plano ng ahensya para sa isang “Muslim-friendly Boracay” sa pagbubukas ng tatlong araw na Salaam: The Halal Travel and Trade Expo noong Hunyo 14.

Ayom kay DOT Undersecretary Myra Paz Valderrosa-Abubakar, ang plano na gawing Muslim-friendly destination ang Boracay ay nabuksan sa meeting ng DOT, mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Malay na nagho-host sa sikat na white-sand beach spot at ng mga ambassador ng Malaysia at Brunei Darussalam dalawang buwan na ang nakararaan. 

Bukod sa nasabing panukala, sinabi ni Frasco na ang DOT ay patuloy na sumusuporta sa mga inisyatiba ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para i-welcome ang mas maraming Muslim travellers. 

Pinuri rin ng kalihim ang Quezon City sa pagiging “isa sa pinaka-Muslim-friendly na lokal na pamahalaan sa Metro Manila,” na may populasyon na hanggang 50,000 Muslim gayundin ang pagtatayo ng 45 mosque.