Pananatilihin ng Department of Tourism (DOT) ang bagong turismo slogan na ‘Love the Philippines” sa kabila ng ginawang promotional video ng kampanya para sa paggamit ng foreign stock footage.
Sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco nang tanungin kung patuloy na gagamitin ng DOT ang tourism slogan na inilunsad lamang noong nakaraang linggo noong Hunyo 27.
Ang DDB Philippines, ang ahensyang kinontrata para sa paglulunsad ng kampanya, ay nagsabing mayroong isang “unfortunate oversight” hinggil sa pagsasama ng hindi orihinal na stock footage sa isang audiovisual presentation na sinasabing nagpo-promote sa Pilipinas.
Ang DOT ay nag-utos ng pagsisiyasat sa mga claim, na sinabi ng blogger na si Sass Sasot na naglalaman ng hindi bababa sa limang mga eksenang kinunan sa ibang mga bansa.
Ito ay ang rice terraces sa Bali, Indonesia, isang mangingisdang naghahagis ng lambat sa Thailand, isang pampasaherong eroplano sa Zurich, Switzerland, mga dolphin; at isang taong nagmamaneho ng sasakyan sa sand dunes sa Dubai, United Arab Emirates.
Una na rito, tinapos na rin ng DOT ang kontrata nito sa DDB Philippines na advertising firm sa likod ng nasabing tourism campaign.