MANILA – Aabot na sa P2-billion na halaga ng cash assistance o ayuda ang naipamahagi ng Department of Tourism (DOT) sa mga displaced workers ng industriya na apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam sinabi ni Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, na katumbas ng 506,415 displaced tourism workers ang nakatanggap ng ayuda, as of May 5.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), may alokasyon na P3.1-billion ang DOT para mabigyan ng tulong pinansyal ang mga manggagawang pinadapa ng pandemya.
Bukod sa pondo ng cash assistance, may P6-billion na halaga ng “4-years to pay capital loan” ang Tourism department para sa mga maliliit na negosyo ng sektor.
Wala raw itong interest, collateral, at may 1-taong grace period.
Batay sa datos ng DOT, aabot sa 4.8-milllion tourism workers ang naapektuhan ng krisis sa ekonomiya na dulot ng COVID-19 pandemic.
Una nang sinabi ng Tourism chief na ilang manggagawa sa naturang sektor ang kasali na sa A4 priority group ng COVID-19 vaccination.
Nakausap na raw ng ahensya ang iba’t-ibang grupo ng hotel and restaurant owners para maasikaso ang pagpapabakuna ng kanilang mga empleyado.