Naglunsad ng isang program ang Department of Tourism (DOT) na naghihikayat sa mga lokal na pamahalaan na makiisa sa pag-develop ng tourism infrastructure para sa pag-promote ng hindi pa kilalang travel destination sa ating bansa.
Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, inilunsad ng ahensiya ang “Tourism Champions Challenge to encourage country-wide development on tourism infrastructure”.
Katuwang dito ang infrastructure arm ng DOT na Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mga alkalde mula sa mahigit 100 mga lungsod at mahigit 1,400 munisipalidad na magsumite ng kanilang mga panukala sa tourism infrastructure.
Ayon sa kalihim, mayroong pondo na P180 million ang naturang programa para magbigay ng financial grants sa LGUs.
Alinsunod din aniya ang naturang programa sa National Tourism Development Plan na nagpaprayoridad sa tourism infrastructure.
Nakikipagugnayan na rin ang DOT sa Department of Public Works and Highways para sa konstruksiyon ng mga kalsada na magkokonekta patungo sa mga hindi pa kilalang travel destinations.