-- Advertisements --
DOT Sec. Bernadette Romulo Puyat TTRWeekly

Makikipag-ugnayan na raw ang Department of Tourism (DoT) sa mga local government units (LGUs) kasabay na rin ng mga lumalabas na mga balitang hindi na nasusunod ang minimun health protocols sa ilang tourist spots.

Sinabi ni DoT Sec. Bernadette-Romulo Puyat, naging problema raw kasi sa mga nakalipas na linggo ang pagbuhos ng mga turista sa ilang lugar sa bansa at hindi na nasunod ang physical distancing.

Kaya naman makikipagpulong daw ang kalihim kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Ano para pag-usapan ang naturang issue.

Binigyang diin ni Puyat hindi dapat magpakampante ang publiko kahit fully vaccination na lalo na’t mayroon na namang bagong variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Aniya, kahit bakunado na ay dapat pa ring magsuot ng facemasks at sundin ang mga minimum health protocols gaya na lamang ng social distancing.

Mas magiging mahigpit naman daw ang DoT sa pagpapatupad ng mga health protocols sa mga hotels na tinutuluyan ng mga turista.