-- Advertisements --

Inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na ilulunsad nito ang pinakamalaking job fair sa bansa na magbibigay ng pagkakataon sa milyong Filipino na naghahanap ng trabaho, lalo na sa hospitality line of job.

Sinabi ni DOT Sec. Christina Garcia Frasco na nakipagtulungan na sila sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) na itinakda sa Agosto 30.

Ang tinaguriang “Trabaho, Turismo, Asenso! Philippine Tourism Job Fair”, ay nakatakdang ilunsad mula Setyembre 22 hanggang 24 sa SMX Convention Center Manila sa Mall of Asia Complex sa Pasay City.

Ang job fair ay isang multi-month campaign at magtatapos sa Mayo 2023 para sa ika-50 Founding Anniversary ng DOT.

Ayon kay Frasco, ang job expo ay makatutulong sa pagpapasigla ng industriya ng turismo na kulang sa manpower dahil sa pandemya.

Nakikipag-usap din si Frasco sa Department of Migrant Workers (DMW) para tugunan ang pangangailangan ng hospitality workers sa Thailand.

Ito, matapos humingi ng tulong ang Minister of Tourism and Sports (MOTS) ng Thailand na si Phiphat Ratchakitprakarn kay secretary Frasco para sa isang posibleng tourism exposition.