BUTUAN CITY – Dumipensa ang Department of Tourism (DOT)-Caraga sa post ng modelong si Kelsey Merritt kaugnay sa umano’y kakulangan ng ospital malapit sa surfing spot ng Siargao Island.

Ito’y matapos magtamo ng head injury ang kanyang American swimmer og Olympic gold medalist boyfriend na si Conor Dwyer.

-- Advertisement --
screengrab from Merrit’s IG video

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni DOT-Caraga Director Director Maria Ana Nuguid na kanya pang aalamin ang partikular na lugar sa isla kungsaan nagka-injury si Dwyer.

Base sa kanyang nalaman, nag-stay umano ang sikat na magkasintahan sa pinakamahal na accommodation establishment ng isla na accredited sa DOT kung kaya’t kumpleto ito sa mga amenities at facilities gaya ng medical at emergency kit.

Pinabulaanan din ni Nuguid ang Instagram story ng Fil-Am model na nagpapakitang malayo ang medical facility ng isla kung kaya’t kailangan pa nilang sumakay ng bangka upang madala ang kanyang nobyo sa isang clinic.

Ayon kay Nuguid, may mga rural hospitals sa nasabing isla lalo na sa mga bayan ng Dapa at Del Carmen maliban pa sa iilang mga inisyatibang nakatakdang ipatupad sa probinsyal na panggamhanan ngayong summer season.