MANILA – Nakatakdang maglabas ng panuntunan ang Department of Tourism (DOT) para sa wastong pagpapatupad ng busines-related events tulad ng trainings at seminars sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ng ahensya matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga aktibidad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
“Mayroong konsultasyon na naganap among DOT, DTI, DOLE, and DOH, in proposing the most appropriate kasi alam natin kapag may events may malalaking gatherings na nangyayari,” ani Asec. Maria Rica Bueno.
“Hintayin na lang natin yung specific guidelines. Its going to be a joint memorandum circular ng DOT at DTI based doon sa IATF resolution,” dagdag ng opisyal.
Naipasa na raw ng DOT sa Department of Trade and Industry (DTI) ang kopya ng kanilang draft para sa implementing rules and regulations ng resolusyon.
Sa ilalim ng IATF Resolution No. 87, napagkasunduan ng mga ahensya na limitahan lang sa piling pasilidad ang pagdaraos sa mga naturang aktibidad. Dapat din ay 30% lang ang maximum na papapasuking indibidwal sa mapipiling venue.
“Ito po yung mga restaurants in general, attached sa hotels, ballrooms, function halls ng mga hotel din; venues within hotel premises and mall atria.”
Kabilang sa mga aktibidad na pinapayagan ng IATF ay ang mga: workshops, trainings, seminars, congresses, conferences, conventions, board meetings, colloquia, conclaves, symposia, and consumer trade shows.
Ayon kay Asec. Bueno, nakasunod sa inilabas na Omnibus Guidelines ng Department of Health (DOH) ang panuntunan na ipinapatupad nila sa mga establisyementong sakop ng kanilang sektor.
Handa naman daw ang ahensya na baguhin ang kanilang patakaran depende sa magiging desisyon ng pamahalaan.
“At the time na siguro magbago ang sitwasyon, then there could be adjustments in existing protocols. Kahit may vaccine hindi tayo dapat mag-let go ng guards at mag-ingat.”