Umatras na raw ang Chinese pharmaceutical company na Sinopharm sa intensyon nito na magsagawa ng clinical trial ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).
Ito ang inamin ni Science Sec. Fortunato de la Peña matapos kumpirmahin na umusad na ang aplikasyon sa trials ng isa pang Chinese biopharmaceutical company ng Sinovac sa bansa.
Sa kabila ng pag-atras, bukas pa rin naman daw ang kompanya na mag-supply ng kanilang bakuna sakaling ito ay mapatunayan nang epektibo.
“Sinopharm, which is also in Phase 3, they updated us that they are now only interested in supplying vaccines, not in clinical trials anymore.”
Ayon sa Food and Drug Administration, maaari namang magpa-rehistro sa kanila ang isang bakuna kahit hindi dito sa Pilipinas ginanap ang clinical trial, basta’t napatunayan na maganda at ligtas ang resulta nito sa ginawa nilang eksperimento.
Ang FDA ang unang nag-kumpirma na pumasa na sa Vaccine Expert Panel (VEP) ang aplikasyon ng Sinovac para sa clinical trial. Sa ngayon, hihintayin pa ng kompanya na pumasa sa pagsusuri ng Single Joint Ethics Research Board ang kanilang aplikasyon para makapagsagawa ng clinical trial.
Ang Gamaleya Research Institute ng Russia naman na may gawa ng Sputnik V, ay namimili pa raw ng clinical research organization na tutulong sa pagkumpleto ng kanilang requirements na ipapasa sub-technical working group on vaccines, bago i-endorso sa VEP.
“The Sub-TWG on vaccine development through the DOST is in coordination with 17 biopharmaceutical companies in seven countries, wherein we have bilateral science and technology agreements with them. Of the 17 biotech and pharmaceutical companies that we have in talks with, there are six who have signed (their) confidentialty data agreement (CDAs).”
Kabilang ang Sinovac, Sinopharm, at Gamaleya sa mga nakapag-papirma na ng kanilang CDA. Ang natitirang tatlo naman ay mula rin sa China (Anhui Zhifei Longcom Biopharmaceutical), Australia (University of Queensland), at Taiwan (AdImmune corporation).
Hindi pa malinaw kung alin sa mga nabanggit na bakuna ang kasali sa isasagawang Solidarity Trial ng World Health Organization sa Pilipinas.