-- Advertisements --

MANILA – Nanindigan ang Department of Science and Technology (DOST) sa posisyon nito na hindi kailangan ng Pilipinas na magsagawa ng clinical trials para sa gamot na ivermectin laban sa COVID-19.

Ayon kay DOST Sec. Fortunato de la Peña, makakabuti kung hihintayin na lang ng Pilipinas na matapos ang mga nag-umpisa ng pag-aaral sa ibang bansa.

“Sa aming assessment ngayon dahil ang dami-daming ginagawang clinical trial na mas ahead, marami ng nakuhang data, at nagsisimula na mag-analyze ng data ay hintayin natin,” sinabi ng kalihim sa Laging Handa public briefing.

Una nang sinabi ng Science department na may 20 pag-aaral nang natapos sa ibang bansa tungkol sa ivermectin. Mayroon ding 40 ibang clinical trial na kasalukuyang lumalakad.

Paliwanag ng kalihim, tinatayang anim na buwan hanggang higit isang taon ang inaabot ng isang clinical trial o eskperimento sa mga posibleng gamot.

Ayon kay Dela Peña, wala pang malinaw na ebidensya kung epektibo at ligtas ngang gamitin ng COVID-19 patients ang ivermectin, bagamat ilang pag-aaral na ang natapos.

“Iba-iba pero walang klaro na yun ay, according to DOH, walang maliwanag na nagsasabi na iyon ay nakakabuti sa COVID-19.”

“Usually yung mga statement ay general, may nagsasabi na hindi clear o convincing yung data; may nagsasabi na maganda.”

Pinayuhan ng kalihim ang publiko na pakinggan ang payo ng Department of Health, lalo na’t marami ng naglipana na ivermectin sa merkado ng Pilipinas kahit wala pang rehistrado nito na para sa tao.

Sinabi naman ng DOST secretary na handa silang magsagawa ng clinical trial sakaling iutos ng DOH at Food and Drug Administration.

“Kung sasabihan kami ng ahensya katulad ng DOH at FDA na mag-conduct ng clinical trial, kami ay susunod sa kanilang advice.”