-- Advertisements --

Inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na posibleng hindi makasali sa Solidarity Trial ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas ang Russian-developed COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Peña, hinihintay pa ng kanilang hanay ang anunsyo ng WHO sa mga bakunang gagamitin sa malawakang clinical.

“Kung sakaling magta-trials sa Pilipinas ang Sputnik, ito po ay malamang under the ‘independent trials’ category kasi hindi ko po alam kung makakasama sila sa WHO (World Health Organization) solidarity trials, inaantay pa namin ang announcement ng WHO,” ani Dela Peña sa public briefing na Laging Handa.

Kabilang daw si Dr. Nina Gloriani, ang head ng vaccine expert panel ng Pilipinas, sa mga ekspertong pinili ng WHO para sumali sa panel na magre-rekomenda ng mga bakunang gagamitin sa kanilang trial.

Una nang sinabi ng Department of Health na may kailangan pang lagdaan ang Pilipinas at Russia na confidentiality data agreement para makita at mapag-aralan ng local experts ang resulta ng Sputnik V trials sa nasabing bansa.

“Kung ano ang kakalabasan ng ating pagsusuri ng ating panel isa-submit ‘yan sa FDA (Food and Drug Administration) kasi ang ating FDA po ang magbibigay ng ating go-signal sa pag-conduct ng clinical trials,” ayon sa DOST secretary.

Paliwanag ni Dela Peña, kung makakapasok sa Solidarity Trial ang Sputnik V ay WHO ang sasagot sa gastusin ng pag-aangkat sa naturang bakuna.