Nilinaw ng Department of Science and Technology (DOST) na walang dini-develop na bakuna laban sa COVID-19 ang Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng aktibong development ng iba’t-ibang bansa sa mga posibleng bakuna laban sa virus na nagdudulot ng COVID-19.
“Sa vaccine po, wala naman po tayong sariling vaccine development project dahil wala pa tayong facilities,” ani Science Sec. Fortunato de la Peña.
Sa ngayon nagpadala na raw ng representative ang Pilipinas sa panel ng World Health Organization na pipili ng mga bakunang isasailalim sa clinical trials.
“Nag-nominate na po tayo ng isang Filipino expert, si Dr. Nina Gloriani na dating dean ng UP College of Public Health para makasama siya doon sa experts na mamimili alin ang susubukan sa WHO Solidarity Trials.”
Nauna nang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force ang pagsali ng estado sa COVID-19 Vaccines Global Access (COVAX) Facility, na maglalaan ng sapat na bilang ng madidiskubreng bakuna sa sakit.
Bukod dito, may lumalakad na rin daw na pakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa ilang institusyon sa China at Taiwan para sa COVID-19 vaccine.
“Kung matutuloy yung ating collaboration ay magki-clinical trials din dito for the purpose of FDA requirements. Hindi rin natin ini-eliminate yung posibilidad doon sa ibang bilateral partners tulad ng Russia na may advanced development.”
“Kami sa DOST na naghe-head sa sub-technical working group on vaccines, ang aming role talaga ay ayusin yung pagco-collaborate sa trials. Yung pag-order ay hindi namin sakop.”
Tiniyak ni Dela Peña na hindi lang basta dedepende sa mga on-going pang dini-develop na COVID-19 vaccines, dahil agad naman daw bibili ang pamahalaan kung may madidiskubre ng ligtas at epektibong bakuna laban sa coronavirus disease.
Nitong Hunyo, inihain sa Senado ni Sen. Panfilo Lacson ang panukalang batas na magtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines.