Ngayon pa lang ay dapat na raw maghanda ang Pilipinas sa posibilidad ng mga susunod na pandemic ng sakit, ayon sa Department of Science and Technology.
Sa isang panayam sinabi ni Science Sec. Fortunato de la Pena, na hindi malabong may pumutok muli na virus outbreak sa mga susunod na taon, at ang pagiging handa ay malaking tulong.
Isinusulong kasi ng kalihim ang pagtatayo ng Pharmaceutical Development Center at Virology Science and Technology Institute.
Paliwanag ni Dela Pena, kailangang suportado ng magaling na pagsasaliksik ang development ng mga bakuna.
Sa pamamagitan daw kasi ng isinusulong na mga pasilidad, magkakaroon ang Pilipinas ng sariling laboratoryo kung saan pwedeng pag-aralan ang mga uri ng virus.
Sa ngayon, nakaasa pa rin sa ibang estado ang ating bansa para sa testing ng mga produkto dahil sa kakulangan ng pasilidad dito.
Nakikipag-coordinate na umano ang bansa sa China at Taiwan para makabuo ng bakuna laban sa COVID-19.
Ikinokonsidera na rin daw ng Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng DOST secretary sa mga nasabing pasilidad.