-- Advertisements --

Naglatag na rin daw ng ilang paghahanda ang Department of Science and Technology (DOST) kasabay ng inaasahang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa Agosto.

Ayon kay Science Sec. Fortunato dela Peña, handa ang mga campuses ng Philippine Science High School (Pisay) kung magdedesisyon ang pamahalaan na ibalik ang face-to-face classes o ipatupad ang distance learning.

“We are prepared for it, the teachers are now preparing their materials, the parents are being consulted,” ayon sa kalihim.

Kung magde-desisyon daw ang gobyerno na buksan muli ang face-to-face classes, ipapatupad ng Pisay system ang “blended learning” o magkahalong physical at online classes.

Magiging per batch umano ang physical classes para masiguro na masusunod ang physical distancing, gayundin na lilimitahan sa 15 estudyante kada klase ang papapasukin.

Sakali namang ipatupad ng gobyerno ang distance learning, sinabi ng DOST chief na maglalabas ng online at printed modules ang Pisay system para sa mga estudyante nito.

“The problem of using the computer, the laptop can be solved. We can provide those who do not have yet but this is relatively a small percentage at this point.”

“Those where the connectivity is poor or difficult, we will make use of the printed materials and we will make sure that these will be delivered.”