Nakapili na ang pamahalaan ng 11 pagamutan na magiging hospital site ng gagawing “Solidarity Trial” o malawakang clinical trial ng World Health Organization (WHO) sa mga bakuna ng COVID-19 sa susunod na buwan.
Kabilang sa listahan ang walo mula sa Metro Manila, tulad ng Manila Doctors Hospital, San Lazaro Hospital, Lung Center of the Philippines, St. Lukes Medical Center sa Quezon City at Taguig, Research Institute for Tropical Medicine, Makati Medical Center at UP-Philippine General Hospital, na magsisilbing main implementer ng trials.
Sa labas naman ng rehiyon, tatlong ospital din ang kasali: ang De La Salle Medical Center sa Cavite, Vicente Sotto Memorial Medical Center, kasama ang Chong Hua Hospital sa Cebu; at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
Ayon kay Department of Science and Technology Sec. Fortunato dela Peña, ilang paghahanda kaugnay ng isasagawang trials ang naplantsa na ng gobyerno.
Tulad ng inaprubahan kamakailan na guidelines sa zoning o mga lugar na magiging sakop ng clinical trials ng international organization. Bukod kasi sa trials na gagawin ng WHO, papapasukin din sa bansa ng Independent trials ng iba pang bakuna.
“Ang sub-technical working group, na pinamumunuan ng DOST ay magre-recommend din, although hindi pa ‘to nate-take sa IATF, na mag-create ng Safety and Monitoring Committee.”
Sa inilabas na tentative schedule ng Department of Health, ikatlo o huling linggo ng Setyembre inaasahang mapapangalan ang mga bakuna na kasali sa WHO Solidarity Trial. Tiniyak naman ni Sec. Dela Peña na hindi magbubungguan ang dalawang trials, sakaling mas mabilis ang development sa mga bakunang hindi mapipili ng WHO.
Sa ngayon, walong bakuna na mula sa higit 200 candidate vaccines ang nasa Phase 3 ng clinical trial sa iba’t-ibang bansa. Ang tatlo sa kanila, kasali sa limang vaccine developers na may lumalakad nang bilateral agreement sa Pilipinas: Ang Sputnik V ng Russia, at mga bakuna ng Sinovac at Sinopharm biopharmaceutical companies mula China.
“Doon sa IATF resolution, nakasaad doon na ang WHO ay may priority sa zoning pero sisiguruhin na magkaroon ng zones ang Independent Trials. ‘Yung trials ng vaccines (mula) sa Amerika, so far wala pa kaming natatanggap ng ganong intensyon.”
Una nang sinabi ng DOST na walong barangay ang target din na isali sa vaccine trials ng WHO. May P89-million na ang inilaang pondo ng Science department sa naturang trial. Sariling gastos naman ng manufacturers ang pag-rolyo ng mga bakunang kasali sa Independent trials.