Masusubok bukas sa Dubai ang Pinoy boxing legend na si Donnie “Ahas” Nietes kung may ibubuga pa sa edad na 39-anyos kaugnay sa laban kontra Norbelto Jimenez ng Dominican Republic.
Si Nietes na tubong Murcia, Negros Occidental, ay dating world champion sa apat na weight-classes at tinaguriang longest reigning Pinoy champion dahil sa matagal na paghawak sa korona.
Ang kanyang laban bukas ay magsisilbing title eliminator sa World Boxing Association super flyweight fight.
Ayon kay Nietes (43-1-5 draws, 23 KOs), baliwala sa kanya ang kanyang edad at inaasam niya na muling sumabak sa kampeonato.
Pero kailangan muna niyang malusutan bukas ang mas bata at mas matangkad na kalaban na si Jimenez (30-9-5, 16 KOs).
Samantala sa ginanap na weigh-in tumimbang si Nietes sa 115 pounds, habang may bigat naman si Jimenez sa 114.6.