-- Advertisements --
covid 19 vaccine

Inaasahan ng Department of Health (DOH) na matatanggap na ng bansa ang donasyong 390,000 doses ng Covid-19 bivalent vaccines sa katapusan ng buwan ng Mayo.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na nagsimula na itong proseso at nakakuha na ng Emergency Use Authorization (EUA) at iba pang kinakailangan mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Sa kasalukuyan, sinabi ni Vergeire na tinatapos pa lamang ng ahensya ang mga mahahalagang dokumento.

Ang bakunang Covid-19 bivalent ay idinisenyo upang partikular na i-target ang variant ng Omicron at ang mga subvariant nito.

Samantala, ipinaliwanag din ng DOH official na ang isa sa mga naging balakid sa pagtanggap ng bansa ng mga bakunang Covid-19 bivalent ay dahil sa legal na aspeto kung saan may requirement mula sa manufacturer na kailangang lumagda sa isang indemnification clause at immunity mula sa pananagutan.

Ngunit binanggit ni Vergeire na nagkaroon na ng talakayan sa pagitan ng DOH at ng gobyerno ng bansa na magbibigay ng mga bakuna at tinanggal ang naturang kondisyon.

Sa kabilang banda, ibinunyag din ni Vergeire na wala pa ring pinal na kasunduan sa Covax Facility kung saan ang unang batch na dapat sana ay ibibigay sa Pilipinas ay pansamantala munang ibinigay sa ibang bansa.

Subalit nangako naman ang Covax na magbibigay sa bansa sa oras na maging handa na ang mga legal na batayan para sa nasabing bivalent vaccines.