-- Advertisements --

Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga local government units na target din magsagawa ng hiwalay na clinical trials sa COVID-19 vaccines sa kanilang lugar.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, may prosesong pinagdadaanan bago makapagsagawa ng clinical trial sa tao ang isang bakuna sa bansa.

“Hindi pwede ‘yon. Hindi mangyayari ‘yan. We have very strict protocols when it comes to human trials especially for vaccines that is not yet existing.”

“FDA is mandated to make sure that all products are safe, effective and at good quality, and that includes vaccines.”

Ilan sa kwalipikasyon bago makapagsagawa ng clinical trial sa bansa ay ang pagiging lisensyadong clinical research organization ng isang proponent at dapat na mayroon itong license to operate.

“Hindi pwedeng for example ang LGU basta na lang magsagawa ng study. Kailangan ma-prove muna sa amin na mayroon siyang kakayanan na mag-oversee ng isang pag-aaral atsaka ito ay marunong, trained yung kanilang mga tao to do it.”

Dagdag pa ng opisyal, hindi naman makakapasok ng estado ang isang bakuna o produkto ng hindi rehistrado, kaya hindi rin maaaring gumamit basta ng vaccines ang LGUs.

“Unless it is part of a clinical trial and the FDA gives import licenses for these vaccines, they will not be able to enter the country legally and they will not be able to use any of it in a trial, unless talagang sanctioned yan sa FDA.”

FDA development of drugs chart
IMAGE | Development of Drugs and Vaccines chart/FDA

Kamakailan nang ianunsyo ni Cavite Gov. Jonvic Remulla na nakatakdang magsagawa ng clinical trial ang kanyang lalawigan sa COVID-19 vaccine.

Ipinaliwanag ni Department of Science and Technology Sec. Fortunato dela Pena ang proseso ng approval sa isang clinical trial na dumadaan sa pagsusuri ng sub-technical working group on vaccines, Vaccine Expert Panel at Health Research Ethics Board.

“When we have this approval from ethics committee and expert panel saying they have been satisfied with the assessment that they have made on the data that they’ve given to us, this will be pass on to FDA.”

“FDA will be the one who will give the go signal whether the clinical trials can start or not.”

VACCINE CLINICAL TRIAL APPROVAL PROCESS
IMAGE | COVID-19 Vaccine Clinical Trial Approval Process Flow Chart/DOST

Naglaan ng P89.1-million budget ang DOST para sa clinical trials ng mga bakuna sa ilalim ng World Health Organization (WHO) Solidarity Trial.

Ayon sa Department of Health, posibleng sa huling linggo ng Oktubre magsimula ang nasabing trials dito sa Pilipinas.