Inamin ni Tourism Sec. Berna Romulo-Puyat na maging sila ay naapektuhan din ng iba-ibang patakaran ukol sa lockdown ng mga probinsya na may mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Puyat, ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ay hindi pa napapauwi ang mga nagpapasaklolo nang turista na stranded mula pa noong unang araw na ipinatupad ang community quarantine.
Nabatid na nauna pang mapauwi ang mga dayuhang turista, habang ang mga domestic tourists ay pinayuhang manatili na muna sa mga lugar na kanilang pinuntahan.
Hindi kasi pinapapasok sa mga lalawigan ang nagmula sa ibang bayan at probinsya dahil sa takot na malusutan sila ng COVID-19.
Sinabi pa ng kalihim na maging ang kaniyang anak ay kasama rin sa na-tengga sa Palawan, dahil may inaasikaso ito doon nang ibaba ang direktiba ukol sa lockdown.
















