Nilinaw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na walang nakatakdang nationwide increase sa minimum wage sa Mayo 1. Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, mananatiling nakadepende sa bawat rehiyon ang pag-adjust ng sahod sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Ipinaliwanag ni Laguesma na tanging Kongreso lamang ang maaaring magpatupad ng batas para sa across-the-board wage hike. Sa kasalukuyan, ang bawat rehiyon ay patuloy na nagbabase sa inflation, presyo ng bilihin, at kondisyon ng ekonomiya bago magtakda ng umento.
Sinabi rin niya na kahit may mga panawagan gaya ng P200 wage hike mula sa labor groups, dadaan pa rin ito sa regular na proseso ng pagsusuri ng mga wage boards. Aniya, lahat ng rehiyon ay nakapagpatupad na ng adjustments sa 2025–2026 wage cycle.
Dagdag pa ng DOLE, magsisimula sa Mayo ang bagong wage cycle para sa 2026–2027, kung saan muling rerepasuhin ng tripartite boards ang posibleng pagtaas ng sahod kasama ang representasyon ng gobyerno, manggagawa, at employers. (report by Bombo Jai)















