-- Advertisements --

Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment ang lahat ng mga employer mula sa private sector na magpasahod ng maayos sa kanilang mga empleyado tuwing holiday.

Ito ang ipinagbilin ng naturang kagawaran kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan sa Abril 9, 2024 na idineklara bilang regular holiday.

Batay sa Labor Advisory No. 5, na inilabas ng DOLE, kung ang isang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho sa naturang petsa na idineklarang regular holiday ay dapat siyang bayaran ng kaniyang employer ng 100% ng kanyang sahod para sa nasabing araw ngunit kinakailangan na magtrabaho ang naturang empleyado sa araw na sinusundan ng regular holiday.

Kung ang araw naman na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisyemento o nakatakdang araw ng paghinga ng empleyado ay nararapat lamang siyang bayaran ng holiday pay kung ang empleyado ay pumasok sa trabaho sa araw na sinusundan ng araw na wala siyang pasok.

Kung nagtrabaho naman ang isang empleyado ng regular holiday, dapat ay magbayad ang employer nito ng kabuuang 200% ng kaniyang araw ang sahod para sa unang walong oras.

Habang para naman sa trabaho ng ginampanan nang mahigit walong oras, dapat na magbayad ang employer ng karagdagang 30% ng orasang kita ng isang empleyado sa nasabing araw.

Para naman sa trabahong ginampanan nang regular holiday at ito rin ay araw ng paghinga ng empleyado at dapat na magpasahod ang employer ng kaniyang empleyado ng karagdagang 30% ng kaniyang araw ang sahod na 200%.

Habang dapat naman na magbayad ang employer sa isang empleyado ng karagdagang 30% ng orasang kita ng isang nasabing araw Kung ang empleyado ay nagtrabaho ng higit sa walong oras nang regular holiday at araw din ng kaniyang pahinga.