Inaasahan na raw na maglalabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ng kanilang desisyo nsa mga wage hike petitions sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Benjo Benavidez, posibleng sa mga susunod na mga linggo ay may desisyon na rito ang RTWPB.
Aniya, base raw sa kanilang nakalap na mga impormasyon, marami na umanong naka-schedule na public hearing kaugnay rito.
Kaya naman asahan daw na bago matapos ang kasalukuyang administrasyon ay mayroon nang desisyon dito ang RTWPB.
Dagdag ng DOLE official, ang regional wage boards ay kasalukuyang nagsasagawa ng konsultasyon sa mga stakeholders kabilang na ang mga employers at workers.
Kasalukuyan na rin daw na inaaral ng RTWPB ang sitwasyon sa iba’t ibang rehiyon kung ano ang mga pangangailangan ng mga workers at ang kakayahan din ng mga employers.
Sa ngayon, lahat na raw ng regional boards ay sinimulan na ang kanilang proseso sa pag-set ng minimum wage rate.
Kung maalala, naghain ng 10 petisyon ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa adjustments sa sahod ng mga manggagawa sa bansa.
Kabilang na rito ang National Capital Region (NCR), Central Luzon, Central Visayas, Zamboanga peninsula, Northern Mindanao, Davao region, Sockssargen at Caraga.
Nais ding ihain ng grupo ang parehong petisyon sa Western Visayas, Eastern Visayas at Cordillera Administrative Region (CAR) maging sa Region 2.
Una rito, sinabi ng DOLE na mayroon namang naghihintay sa ngayon na 80,000 na trabaho sa local at overseas employment par sa mga Filipino jobseekers sa Mayo 1 na Labor Day.
Mayroon daw silang 26 na sites para sa job at business fairs pero isasagawa naman ang main event ng job at business fair sa San Fernando, Pampanga.
Sa 82,000 job vacancies, 61,000 ay para sa local employment habang 21,000 ay ang mga trabaho sa ibayong dagat.
Kabilang naman sa mga in-demand jobs sa bansa ay nasa manufacturing sector, business process outsourcing, retail and sales, production operators, service representatives, collection specialists at retail and sales agents.
Sa mga job opportunities naman abroad, mayroon daw demands para sa mga nurses, nursing aides, waiters, food servers, auditors at construction workers gaya ng mga karpintero, foremen at welders.
Ang mga trabaho naman ay ino-offer sa Middle East, Europe gaya ng Germany at Poland.