May mga ginagawa ng paghahanda ang Department of Labor and Employment (DOLE) sakaling magdesisyon ang gobyerno na tuluyan ng i-ban ang POGO sa bansa.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma na kasalukuyang nagsasagawa sila ng profiling sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) kung saan nakasentro ang karamihan sa mga POGO, at maging sa regions 3, 7 at 4A.
Paliwanag naman ni Laguesma na kabilang sa ginagawa nilang profiling ay kung anong klaseng skills ang taglay ng mga POGO workers, para mahanapan ito ng mapapasukan sa mga investments na nag materialize sa bansa.
Sinabi ni Laguesma na ang nasabing hakbang ay para hindi naman magkabiglaan na kung matutuloy ang pagpapasara sa mga pogo ay saka pa lamang magkukumahog na tugunan ang pangangailangan sa trabaho ng mga maapektuhang manggagawa o saka pa lamang sila hahanapan ng malilipatang trabaho o pagkakakitaan.
Sa katunayan, ngayon pa lamang ay nagta transition na o sinasa ilalim na sa reskilling at retraining ang mga manggagawa ng POGO.
Nilinaw ni Laguesma na hindi nila hinihikayat ang mga manggagawa na sari sari store lamang ang planuhing paglipatan ng kanilang skills o livelihood.
Aniya nais ng DOLE na magiging sustainable ang magiging hanapbuhay ng mga maapektuhang manggagawa.