Magbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ayuda para sa mahigit 80,000 benepisyaryo kasabay ng selebrasyon ng ika-90 anibersaryo ng ahensiya.
Ayon kay DOLE Undersecretary Benjo Santos, mamamahagi ang ahensiya ng tulong pangkabuhayagn o kapital para makapagsimula ng negosyo ang mahigit 10,000 benepisyaryo kung saan gugugol ng halos P200 million pondo para dito.
Para naman sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad) program, sinabi ng DOLE offcial na magkakaroon ng malawakang payout na nagkakahalaga ng P30 million para sa 75,000 benepisyaryo sa buong bansa.
Maaaring tumaas pa aniya ang halaga ng kabuuang tulong na ibibigay sa pagdiriwang ng anibersaryo ng ahensiya sa mga susunod na araw.
Maliban pa sa tulong pinansiyal na ipapamahagi, nakatakda ding magsagawa ng job fairs ang DOLE kung saan nasa 40,000 bakanteng trabaho ang iaalok mula sa 500 mga kompaniya.