-- Advertisements --
DOLE

Inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na aprubado na ang P30 wage hike sa Cordillera, Bicol, at Eastern Visayas.

Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ng DOLE ang wage order na isinumite ng wage boards ng tatlong rehiyon.

Ang pagtaas ay inaasahang direktang makikinabang sa 150,484 minimum wage earners.

Bukod sa minimum wage hike, tinaasan din ng naturang komisyon ang buwanang suweldo ng mga kasambahay ng hindi bababa sa ₱400 hanggang ₱1,000, na makakatulong sa humigit-kumulang 162,970 domestic worker, kung saan nasa 34,111 ang nasa live-in arrangements.

Batay sa kautusan, ang ₱30 hike ay magdadala sa bagong minimum wage rate sa Bicol sa P395.

Sa Eastern Visayas, ang bagong minimum na sahod para sa mga non-agricultural na negosyo at retail o service companies na may 11 empleyado o higit pa ay ₱405.

Para sa rehiyon ng Cordillera, ang bagong minimum wage rate ay ₱430, habang ang mga domestic worker sa rehiyon ay tatanggap ng buwanang rate na ₱4,900 pagkatapos ng ₱400 na pagtaas.

Una nang sinabi ng DOLE na ang pinakahuling wage order ay ilalathala sa Nobyembre 19 at magkakabisa pagkatapos ng 15 araw o sa Disyembre 5, 2023.