-- Advertisements --

Nakalaya na ang isang doktor matapos makapagpiyansa kasunod nang pagkahuli sa checkpoint sa Cainta, Rizal dahil sa paglabag sa health protocol at iba pang mga violations.

Ayon kay Rizal police provincial director Col. Joseph Arguelles, patung-patong na kaso ang isinampa laban kay Doctor Jayson Paringa.

Kabilang sa mga isinampang reklamo laban sa doctor ay oral defamation, paglabag sa RA 151, alarm and scandal at paglabag sa health protocol.

Ayon kay Col. Arguelles, dumaan ang doktor sa checkpoint ng pulis na naka-full attire pang bisikleta, hiningan siya ng identification at pinakita naman nito sa mga pulis.

Nang paalis na ang doktor sinabihan siya ng mga pulis na hindi ito naka facemask at face shield, dito na umano nagsimulang mag-hysterical ang doktor at kung anu-ano na ang pinagsasabi sa mga otoridad.

Ayon naman kay PNP spokesperson BGen. Ildibrandi Usana, bina-validate na ang ulat kung saan kinulong ang doktor kasama ang mga inmates na may sintomas ng COVID-19.

Binigyang-diin naman ni Usana kung mayroong nagpositibo sa COVID-19 sa isang police station, isasailalim ito sa lockdown.