ROXAS CITY – Inirereklamo ngayon ng isang ginang ang doktor at nurses ng Roxas Memorial Provincial Hospital dahil sa sobra-sobrang dosage ng gamot na itinurok sa kaniyang anak nang ma-confine ito sa naturang ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa hindi na pinangalanang ginang, inihayag nito na madalas na bumababa ang potassium level ng kaniyang anak kung kaya’t madalas rin itong ma ospital.
Aniya apat na araw matapos ma-confine ang kaniyang anak noong Disyembre 18, 2019 ay laking gulat nila nang nagdesisyon ang doktor na doblehin ang dosage ng gamot at vials na itinuturok sa kaniyang anak.
Dahil dito ay sumama umano ang pakiramdam ng kaniyang anak, sumakit ang ulo at magdamag na nagdedeliryo.
Nang sinabihan niya umano ang mga nurses ay parang wala pang pakialam ang mga ito at kinaumagahan na napagdesisyunang ipasok sa Intensive Care Unit (ICU) ang kaniyang anak.
Ilang linggo na mula nang nakalabas sa ospital ang anak ng ginang ngunit sa ngayon ay hindi na umano halos maigalaw ng kaniyang anak ang braso nito.
Posible aniyang epekto ito ng sobra-sobrang gamot na itinurok sa kaniyang anak.
Sa ngayon ay desidido ang ginang na ipaabot sa pamunuan ng ospital ang kaniyang reklamo upang maturuan ng leksiyon ang mga responsable sa naturang pangyayari.