-- Advertisements --

Sinisiyasat na ng Department of Justice ang posibilidad na hindi lamang simpleng pambubully ang nasa likod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City kundi maaaring may kaugnayan ito sa Nihilistic Violent Extremism (NVE).

Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, pinag-aaralan nila kung naimpluwensiyahan ng online content ang mga sangkot na estudyante, katulad ng mga naitalang school shootings sa Estados Unidos, kabilang ang Columbine High School shooting noong 1999.

Lumabas din sa social media na ang isa sa mga suspek ay nakasuot ng T-shirt ng bandang KMFDM, na naiugnay sa ilang school shooting incidents sa Amerika.

Sinabi rin ni Martinez na beberipikahin ng mga awtoridad ang edad ng dalawang estudyanteng sangkot gamit ang mga dokumento gaya ng birth certificates at dental records bago magpasya kung may isasampang kaso.

Dagdag niya, sasailalim din ang mga menor de edad na sangkot sa isang masinsinang juvenile intervention program ng lokal na pamahalaan.