Naglunsad ng motu proprio investigation ang Commission on Human Rights sa marahas na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte, at sa magkakahiwalay na insidente ng pananaksak sa Cavite National High School at Bethel Academy of General Trias.
Ayon sa CHR, nagpadala na ng pangkat ang kanilang Regional Office VIII upang siyasatin ang kaso sa Tacloban at tiyaking napapangalagaan ang karapatan at dignidad ng lahat ng sangkot.
Dahil menor de edad ang mga hinihinalang responsable, binigyang-diin ng Komisyon ang pangangailangang sundin ang Juvenile Justice and Welfare Act habang isinasagawa ang patas at masusing imbestigasyon.
Nanawagan din ang CHR sa Department of Education, Philippine National Police, at mga lokal na pamahalaan na paigtingin pa ang mga hakbang sa kaligtasan at seguridad sa mga paaralan, gayundin ang mga programang psychosocial para sa mga mag-aaral.
Hinimok din nito ang media at publiko na huwag magbahagi ng anumang impormasyon o larawan na maaaring makapagpakilala sa mga batang sangkot, bilang paggalang sa kanilang karapatan at privacy.














