Nadiskubre ng mga imbestigador na nakapagpaputok ng hindi bababa sa 33 bala ang 14-anyos na suspek na si alyas “Nash” sa naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, na kumitil sa tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Nagawa pa umano ng suspek na mag-reload ng kaniyang baril habang isinasagawa ang krimen.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Allen Rae Co, narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang kabuuang 34 na basyo ng bala mula sa pinangyarihan ng krimen. Sa bilang na ito, 21 ang nagamit na cartridge cases samantalang 13 naman ang mga live cartridges.
Ayon pa sa opisyal, posibleng mahigit isang beses nagpalit ng magazine ang menor de edad na suspek. Gayunman, dalawang magazine lamang ang narekober ng mga otoridad, ang isa rito ay wala nang laman at nakuha sa loob ng premises ng paaralan, habang ang isa naman ay nakasaksak pa sa mismong baril.
Nakumpiska mula kay alyas Nash ang isang 9-mm Glock 17 pistol na may kapasidad na magkarga ng 17 bala. Batay sa pulisya, ang nasabing armas ay nakarehistro sa kaniyang tiyahin na isang abogadong pulis na nakadestino sa Police Regional Office 8 (Eastern Visayas).
Samantala, ang isa pang suspek na si alyas “Rod,” 15-anyos, ay isang beses lamang nakapagpaputok bago siya naunahan at napigilan ng mga otoridad bandang alas-9:30 ng umaga noong Lunes.
Nangyari ang pag-aresto sampung minuto matapos marinig ang unang mga putok sa San Jose National High School. Narekober mula kay alyas Rod ang isang .38 caliber revolver na may karga pang limang live bullets. Ang naturang baril naman ay nakarehistro sa isang security agency na nakabase sa Cebu City, kung saan dating nagtatrabaho ang kaniyang lolo.
Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung paano nagawang maipasok ng dalawang mag-aaral ang mga armas sa loob ng eskwelahan. Nilinaw din ng tagapagsalita ng PNP na nananatili pang hindi kumpirmado ang anggulo ng “bullying” bilang motibo sa krimen, dahil ito ay nakabatay pa lamang sa sariling salaysay ng mga suspek.









