-- Advertisements --

Wala nang kasunod na banta sa seguridad sa Department of Justice (DOJ) at sa Senado, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP Public Information Office chief Col. Rae Co, ligtas at kontrolado na ang nasabing mga lugar habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.

Nauna nang kinumpirma ang pagsabog ng improvised explosive devices (IEDs) malapit sa Padre Faura Street gate ng DOJ compound bandang alas-12:17 ng madaling araw nitong Lunes, Hulyo 27, 2026.

Walang nasugatan ngunit dalawang sasakyan ang bahagyang nasira.

Mayroon namang nakitang kahina-hinalang improvised explosive device (IED) sa center island ng Diokno Boulevard sa Pasay City bandang alas-8 ng umaga sa parehong araw.

Una na ring sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na posibleng magkaugnay ang dalawang insidente na nangyari bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Co, masyado pang maaga para matukoy ang indibidwal o grupong nasa likod ng pagsabog at narekober na IEDs subalit, ang timing at pagkakalagay ng mga ito ay posible umanong sabay na isinagawa.

Naniniwala ang police official na posibleng layunin nito na maghasik ng takot bago ang SONA ng pangulo.