Pinatotohanan ng Department of Justice (DOJ) nitong araw na Filipino citizen si ABS-CBN chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III dahil siya ay ipinanganak na Pilipino ang mga magulang.
Tinalakay ang citizenship ni Lopez sa joint hearing ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability sa prangkisa ng ABS-CBN dahil base sa batas dapat 100 percent na Pilipino ang may-ari ng mga mass media firms sa bansa.
Sa naturang pagdinig, natukoy na noong 2001 ay umapela si Lopez sa DOJ na kilalanin ang kanyang Filipino citizenship para siya ay makakuha ng Philippine passport.
Nabatid na wala siyang dokumento na ito dahil sa Estados Unidos siya ipinanganak, na siyang dahilan naman kung bakit ito maituturing American citizen din.
Sa pagdinig, sinabi ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na ang pagbibigay ng confirmation of citizenship ay hindi kaagad nangangahulugan na “pamamaraan (ito) nang pag-grant or pag-perfect ng citizenship, dahil po siya ay mayroong magulang na both father and mother na Filipino citizen kaya sa kanyang pagkapanganak siya ay isang Filipino citizen.”
Malinaw ayon kay Villar na “by birth both Filipino and American citizen” si Lopez.
Hindi rin aniya nangangahulugan na ang paggamit ni Lopez ng US passport ay hindi na rin siya Filipino citizen.
Nauna nang sinabi ni Lopez na siya ay natural-born Filipino citizen, at ayon naman sa abogado nito na si Atty. Ayo Bautista na ang dual citizenship ng kanyang kliyente ay “automatic legal consequence” nang pagpapanganak sa kanya bilang Pilipino sa Estados Unidos.