Naghain ng motion for reconsideration ang Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors sa Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 204.
Kung saan hiniling ng state prosecutors na baligtarin ng korte ang desisyon nito na nagpapawalang-sala kay dating Senador Leila de Lima at sa kanyang dating bodyguard na si Ronnie Dayan sa mga kaso ng droga.
Saad pa ng prosekusyon sa kanilang mosyon na ang recantation ni dating Bureau of Corrections (BuCor) officer in charge Rafael Ragos ay hindi aniya nagpapahina sa kanyang orihinal na testimonya at ang mga iprinisentang iba pang ebidensya ay nagpapatunay ng lahat ng elemento ng krimen na isinampa kabilang ang papel na ginampanan ng parehong akusado sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng NBP.
Giniit din ng DOJ prosecutors na ang pagreview sa mga record ay nagpapatunay sa merito ng mga salaysay ng mga testigo ng Prosekusyon at magpapamulat sa Korte na ang naging desisyon nito ay talagang binalewala umano ang katotohanan na malinaw at walang pag-aalinlanganang napatunayan ng mga iprinisentang ebidensya ng Prosekusyon.
Samakatuwid aniya dapat na katigan ang kanilang panawagan at marapat na baligtarin angbnaging desisyon ng korte.
Una rito, sa isang 39-pahinang desisyon sinabi ng Muntinlupa RTC na kahit na nakapag-establish ang prosekusyon na mayroon ngang talamak na kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prison (NBP), binawi ni Ragos ang naging unang salaysay nito na pagkakasangkot nina De Lima at Dayan sa naturang iligal na aktibidad.
Sinabi ni Ragos sa isang pagdinig sa Senado noong 2016 na naghatid siya kasama ang aide na si Jovencio Ablen Jr. ng P5 million na nalikom mula sa illegal drug trade sa loob ng NBP sa bahay ni De Lima sa Parañaque City noong 2012 subalit binawi niya ang kanyang testimonya noong Mayo 2022.
Ngayong taon ang ika-anim na taon ng nakabilanggo si De Lima matapos siyang makulong noong 2017 dahil sa umano’y pakikipag-ugnayan sa kalakalan ng droga sa loob ng NBP.
Subalit simula’t sapul ay itinanggi niya ang mga akusasyon laban sa kaniya. Ang kanyang natitirang kaso ay nakabinbin sa Muntinlupa RTC Branch 256 kung saan siya ay naghihintay ng desisyon mula sa korte at naghahangad na makapagpiyansa na upang makalaya.