Sa mga susunod na araw ay posibleng padalhan na ng Department of Justice (DoJ) ng subpoena si Sen. Koko Pimentel dahil sa kinahaharap na reklamong may kaugnayan sa paglabag nito sa self quarantine matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kasunod na rin ito ng preliminary investigation sa criminal complaint na isinampa sa senator dahil sa quarantine protocols.
Una rito, nag-isyu na si DoJ Prosecutor-General Benedicto Malcontento ng order para imbestigahan ang inihaing reklamo at inassign na si Assistant State Prosecutor Wendell Bendoval na hahawak sa kaso.
Noong nakaraang linggo nang isampa ni Atty. Rico Quicho sa pamamagitan ng electronic filing ang kasong paglabag sa RA 11332 at ang implementing rules and regulation ng naturang batas maging ang ilang regulasyon ng Department of Health (DoH).
Sa ilalim ng R.A. 11332 o mandatory reporting of notifiable diseases and health events of public health concern act, maaaring makulong ng hanggang anim na buwan o pagmultahin ang isang indibidwal na lumabag sa btas mula P20,000 hanggang P50,000.
Naniniwala ang abogado na naging pabaya si Sen. Pimentel nang nagtungo ito sa Makati Medical Center sa panahong siya pala ay positibo sa covid dahilan para malagay sa peligro ang publiko lalo na ang mga health workers ng naturang ospital na umasikaso sa kanilang mag-asawa.
Ayon naman kay Justice Sec. Menardo Guevarra, agad daw nilang itatakda ang araw ng preliminary investigation sa reklamo kapag humupa na ang lockdown o enhance community quarantine.