-- Advertisements --

Matapos tukuyin na isa sa problematic agency ang Bureau of Corrections (BuCor) at ang kontrobersiyang kinasasangkutan nito ay nakasisira sa imahe ng bansa, kumunsulta na umano si Justice Secretary Crispin Remulla sa isang international prison reform expert para sa pagbalangkas ng plano sa pagpapatupad ng reporma sa correction system sa bansa.

Ang pakikipagpulong ni Remulla kay Prof. Raymund Narag, dating inmate na nakulong ng 7 taon subalit ngayon ay associate professor na Southern Illinois University ay tila dagok naman sa pamumuno ni BuCor chief Gerald Bantag.

Sinabi ni Atty Nico Clavano ng Office of the Secretary na nais ni Remulla na iayos ang correction system sa bansa sa naging pakikipagpulong nito kay Narag.

“It is uncertain in what capacity Prof. Narag will come in as but the two shared opinions and compared notes on the changes they seek to make,” nauna nang pahayag ni Clavano.

Si Bantag ay naitalaga bilang BuCor noong 2019 subalit ilang kontrobersiya sa pamumuno sa ahensya ang kinasangutan nito.

Ayon sa mga BuCor official na tumangging magpabanggit ng pangalan, sa loob daw ng tatlong taon ay wala pa ring pagbabago ang correctional facility sa ilalim ni Bantag.

Makailang beses din daw na naharap sa kontrobersiya si Bantag kung saan idineklara pa itong persona non grata sa Muntinlupa City matapos nyang harangan ng mga pader ang ilang komunidad sa lungsod at isinara sa motorista ang isang kalsada bilang dagdag seguridad sa New Bilibid Prison (NBP) nang walang permiso mula sa lokal na pamahalaan at nagdulot ng malaking perwisyo sa mga residente.

Pumasok din sa isang maanomalyang Joint Venture Agreement (JVA) si Bantag sa pagitan ng Agua Tierra Oro Mina Development Corporation (ATOM) para sa paglipat ng prison facilities mula sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City sa Nueva Ecija nang walang kunsultasyon at bidding process.

Ang nasabing kasunduan ay pinasuspinde ng DOJ.

Hindi rin kinonsulta noon ni Bantag si Secretary Menardo Guevarra nang payagan nitong ma-interview ng isang broadcast network sa loob ng NBP ang nakakulong na si ret. Gen Jovito Palparan na puwedeng administrative case.

Isinasangkot din si Bantag sa magkakasunod na misteryosong pagkamatay sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng walong high profile inmates sa pagitan ng May hanggang July 2020 na agad crinemate ang kanilang mga labi.

Una nang sinabi ni dating Justice Secretary Leila de Lima na kilalang berdugo si Bantag matapos pasabugan ng granada ang 10 inmates ng ito ay hepe pa ng Paranaque Jail at kilala din umano na notorious sa pagpapahirap sa mga inmates ng Manila City Jail at Bilibid.

Inaantay pa ang pahayag ni Bantag sa naturang alegasyon.