Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng criminal charges ang 16 na indibidwal kabilang ang miyembro ng isang church organization na sangkot umano sa pagpopondo sa mga teroristang grupo na Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Inanunsiyo ito ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Jose Dominic Clavano sa pamamagitan ng isang press statement.
Tinukoy ni Clavano ang mga kinasuhang indibidwal na sina Sr. Emma Teresita E. Cupin, Sr. Susan M. Dejolde, Ma. Fatima Napoles Somogod, Sr. Augustina C. Juntilla, Sr. Mary Jane C. Caspillo, Melissa Amado Comiso, Czarina Golda Selim Musni, Maridel Solomon Fano, Jhona Ignilan Stokes, Hanelyn Caibigan Cespedes, Angelie Z. Magdua, Emilio Gabales, Mary Louise Dumas, Aileen Manipol Villarosa, Evelyn Lumapas Naguio, at Aldeem Abroguena Yanez.
Ayon sa DOJ , mayroong probable cause para kasuhan ang 16 na indibidwal kabilang ang miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines (RMP) na kinabibilangan ng ilang mga pari at lay persons.
Dahil dito, humaharap ang nasabing mga personalidad sa kasong paglabag sa Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 na may kaparusahan na reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong at multa na nasa P500,000 hanggang P1 million.
Walang inirekomendang piyansa para sa naturang kaso na inihain sa regional court ng Iligan City ang mga akusado.
Nag-ugat ang kaso sa financial investigation ng Anti-Money Laundering Council kung saan napag-alaman na ang mga kinasuhang indibdiwal ay nagbigay umano ng financial support sa CPP-NPA.