-- Advertisements --

Tiniyak ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa Department of Agriculture (DA) sa kahandaan ng Department of Justice (DOJ) na tumulong sa pagpapalakas sa monitoring at surveillance laban sa mga nagmamanipula nang presyo ng karne ng baboy at manok.

Ginawa ito ni Guevarra kahit wala pa silang natatanggap na formal request mula sa DA hinggil sa pag-monitor at surveillance kontra mga traders, wholesalers at iba pang mga indibidwal na nagpapakalat ng ideya na mayroong food shortage para mabigyan ng katwiran ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa isang report, nabatid na nakikipag-ugnayan na ang DA sa DOJ, National Bureau of Investigation (NBI), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) and the Department of Trade and Industry (DTI) para palakasin ang kanilang monitoring at surveillance.

Nauna nang sinabi ng DA na ang mataas na presyo ng karne ng baboy at manok ay hindi dahil sa farm gate prices kundi posibleng dahil sa mga traders at wholesalers na nagmamanipula ng supply at presyo.