-- Advertisements --

Bukas ang Department of Justice para kay Senador Bato Dela Rosa na kupkupin o bigyan ito ng proteksyon kasabay ng kinakaharap na ‘arrest warrant’ mula sa International Criminal Court.

Sa pahayag ni Justice Secretary Fredderick Vida, kanyang sinabi na handang magbigay ang kagawaran ng ‘protective custody’ o isailalim sa kanilang kustodiya ang naturang mambabatas.

Ito aniya’y kung gugustuhin ni Sen. Dela Rosa kasunod nang umalis mula sa pangangalaga ng Senado kung saan nagpa-kustodiya ang senador noong nakaraang linggo.

“Kung gugustuhin ni Sen. Bato Dela Rosa to be under the protective custody of the DOJ, the DOJ would be more than willing to make arrangements with him,” ani DOJ Sec. Fredderick Vida.

Pagtitiyak ng kalihim na mananatiling bukas ang Department of Justice para kay Sen. Bato sa anumang ‘arrangements’ hilingin nito sa kagawaran.

Dagdag pa niya’y makaseseguro umano ang kampo ng senador na igagalang ang kanyang karapatan at obligasyon bilang mambabatas.

Gayundin ang pagrespeto sa ilalabas na desisyon ng Korte Suprema sa petisyon nitong inihain ukol sa pagkwestyon sa ICC Arrest Warrant.

Sa kabila nito’y babala ni SOJ Vida kay Sen. Bato na agad itong ipapaaresto sa oras na magtangkang lumabas ng bansa.

Ituturing ‘mockery of justice’ aniya kung sumubok ang mambabatas na umalis ng Pilipinas habang may umiiral na ‘arrest warrant’ inisyu ng ICC.

Subalit aminado ang kalihim na hindi pa tiyak o wala pa silang desisyon kung saan dadalhin si Sen. Dela Rosa sa oras na ito’y tuluyan maaresto.

“Wala pa pong ganun desisyon pero syempre isinasaalang-alang natin kung ano yung nakasalang sa Korte Suprema na kaso. So, sa ngayon po ayaw kong mag-speculate,” ani DOJ Sec. Vida.