-- Advertisements --

Ipinag-utos na ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang masinsinang imbestigasyon sa pagtakas ni dating Bamban Mayor Alice Guo palabas ng Pilipinas at nangakong papanagutin sa batas ang lahat ng kasabwat dito. 

Kaugnay nito, inatasan na ng kalihim si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na agad na gumawa ng report hinggil sa naturang insidente. 

Kung maalala, una ng siniguro ng BI sa publiko na nakasama sa Immigration Lookout Bulletin (ILBO) ang mga pangalang Alice Guo at Guo Hua Ping para masusing mabantayan ng mga awtoridad ang galaw ng sinibak na alkalde sakaling tangkain nitong umalis ng bansa. 

Subalit sa kabila nito, nagawa pa rin ni Guo na makalabas ng PH at bumiyahe sa Malaysia noong Hulyo saka lumipad patungong Singapore kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Sheila at Wesley Guo, na isa din sa persons of interest sa human trafficking sa sinalakay na POGO.

Sa isang statement, sinabi ni Sec. Remulla na bilang mga lingkod-bayan, nanumpa aniya sila sa bansa ng kanilang hindi natitinag na integridad, transparency at pananagutan sa lahat ng kanilang mga aksyon at desisyon. Kaya naman, nagbigay ng ultimatum o huling babala ang kalihim sa mga tauhan ng BI na posibleng kasabwat sa pagtakas ni Guo sa kabila pa ng mahigpit na restriksiyong ipinataw ng gobyerno, na lumantad na at ibunyag ang katotohanan o antayin na siya mismo ang kumilos para malaman ang pinakaugat nito kung saan papatawan ng matinding parusa ang mga sangkot dito. 

Samantala, ikinokonsidera din ng DOJ ang posibilidad na posibleng may kinalaman din ang kampo o legal counsels ni Guo sa kaniyang ilegal na paglabas sa bansa kayat iginiit ni Remulla na bilang mga abogado may obligasyon silang protektahan ang mga interes ng kanilang mga kliyente, gayundin mayroon silang mas malawak na responsibilidad na itaguyod ang Rule of Law at pangalagaan ang interes ng publiko.