Wala raw aasahang clinical trials dito sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na dinevelop ng kompanyang Pfizer sa Amerika.
Ito ang kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, matapos makipag-usap ang pamahalaan sa mga opisyal ng kompanya, na nagsabing matatapos na ang kanilang Phase 3 clinical trials sa susunod na buwan.
“Walang committments na nangyari pa. We just had to explain to them our regulatory processes. We were also able to provide them with the specific person para makakakausap nila when they need anything with regard to this negotiation.”
Nagkapalitan na raw ng confidentiality data agreement ang dalawang bansa. Nilalaman nito ang kasunduan, mga detalye at safeguards sa manufacturer at populasyong gagamit ng bakuna.
Sa ngayon pinagtataya na ng Pfizer ang Pilipinas kung gaano karami ang supply ng kanilang bakuna ang iaangkat ng estado.
“Ito yung isang sinabi ni Sec. (Francisco) Duque na pag-uusapan ng mga ahensya ng gobyerno kung paano ito gagawin dahil of course we have limitations tayo when it comes to pre-ordering of products yet because of RA 9184 (Government Procurement Reform Act).”
SPUTNIK V AT IBA PANG VACCINE TRIALS
Humarap na rin sa mga opisyal ng estado ang representatives ng Pilipinas sa Russia para sa target na trials ng bakunang Sputnik V.
Pinag-usapan daw sa nasabing meeting ang proseso ng bansa sa clinical trials, pati na ang ilang paglilinaw na hinihingi ng local vaccine expert panel tungkol sa resulta ng unang dalawang trials ng nasabing bakuna.
Bukod sa Sputnik V, patuloy din daw ang koordinasyon ng bansa developed vaccine ng University of Queensland sa Australia, at kompanyang Moderna na mula rin sa Amerika.
“Lahat will go through our regulatory process and we have added a new layer that is notifying DOH. Gusto namin it is the objective of government that we will be informed of all of these independent trial so that we can properly monitor and we can ensure that these vaccines that are going to be use for clinical trials in the country would be safe for our population.”
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST) inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force ang pagbuo sa hiwalay na sub-technical working group na mangangasiwa sa pagbili ng mga bakuna.
Sa ngayon kasi, DOST ang bumubuo ng sub-TWG na kumikilos sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang nagde-develop ng bakuna.
“Ito ay procurement by using government funds. Ito ay pamumunuan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management.”