Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa ring matibay na ebidensyang magsasabi na may reinfection o posibleng tamaan muli ng COVID-19 ang isang gumaling na pasyente.
Ito ang pahayag ni Usec. Maria Rosario Vergeire kasunod ng lumabas na ulat na may dalawang gumaling na pasyente sa Southern Philippines Medical Center ang nag-positibo muli matapos ang 14-day home quarantine.
Paliwanag ng opisyal, posibleng remnant o latak ng namatay na virus ang na-detect ng polymerase chain reaction (PCR) machines kaya nag-positibo muli sa test ang recovered patients.
“Posible po ang pangalawang beses na nagpo-positibo sila sa test ay dahil nakita o na-detect ng ating mga PCR test ang mga remnant ng patay na virus sa kanilang katawan na hindi naman po nakakahawa na,” ani Vergeire.
Sa ngayon mabuti naman daw ang kalagayan ng dalawang pasyente at patuloy na pinag-aaralan ng DOH ang insidente.
Nakauwi na raw ang isa sa dalawang pasyente matapos mag-negative.
Habang ang isa ay hinihintay pa ang resulta ng ginawang swab test.